Putaheng Tanggap
Sa hapag ng panggap,
Ingat sa yapak.
Upo nang mabuti
Tiyak ang handa'y matatanggap.
Inom ng tubig lagok,
Mahimasmasan ka sa kinalalagyan mo.
Bakit astang 'sang alipin
Kung ititikom ang bibig na alam ang totoo.
Inihain sa hapag
Ang plato ng henyo!
"Kain! Isang kutsara ng kasinungalingan-"
Bakit hindi matutong makuntento?
Nakabibinging katahimikan
Sa lamesang timbang ang iyong kakayanan.
Sa putaheng hindi tanggap ng lalamunan,
Bakit lulunukin kung hindi kaya ng kalamnan?
"Tigil! Maupo ka't kumain."
"Hindi ako ang laman ng inyong inihahain!"
"Taksil! Rekado na tatak ng purong tanggap,
Hindi ka biguan pag-upo sa hapag."
Tubig na lason sa isip 'di patitinag,
Hindi na ako uupong muli rito sa hapag.
Kung ang plato'y puno ng tinik,
Bakit ipapalit sa sariling kakayahan na hinog at hitik?
Lamesang pinalilibutan ng upuan na yari sa ginto't pilak,
Uupo ka ba para masabing ika'y tanggap?
O, luluwas sa daang gugutumin kang tunay
Kung ang kapalit ay putaheng hindi kayang timplahan ng dilang 'di buhay?
__________